Credits to google images |
Sariling Laban
ni Nowfredo D. Paglinawan
Sa pagsikat ng bagong umaga,
panibagong laban ay muling karga.
Tila aninong nakaabang sa aking paroroonan,
humaharang sa aking nais na patunguhan.
Hindi alam ang tunay na daan,
bagkus ako’y nalilito sa aking nararamdaman.
Sa pagnanasang magbagong anyo,
mas nanaig ang magbalatkayo.
Sarili ay mismong kalaban,
sarili ay hindi maintindihan.
Dalawang tandang ay nagsabong at naglaban,
magkaiba ang hinaing at pinaglalaban.
Ako’y sabik sa inaasam na kalayaan,
subalit ako’y duwag na nanatili sa piitan.
Duwag na husgahan ng kahigtan,
duwag na lumabas sa kulungan.
‘Di alam kung ano paniniwalaan,
sigaw ng karamihan o sariling kagustuhan.
Ayaw ko ng baguhin ang panahon,
nais kong magpaanod pabalik sa kamusmusan.
Nang sa ganoon ay wala akong pagpipilian,
sa labang walang patutunguhan
kung ako rin mismo ang masusugatan.
Namimitig na ako sa pagsuot nitong mascara,
pagod na akong makinig sa madla.
Nais ko ng maging malaya mula sa tanikala
Sabik na muling masalat ang puroy ng kasiyahan
Sabik sa kamusmusan ng kabataan.
Mahirap na kalabanin ang sarili,
ngunit mas mahirap ang habang buhay na magkubli.
Pinapalaya ko na ang aking sarili mula sa pagkakatali,
wala ng masusugatan at matitigil na ang laban
sapagkat niyakap ko na ang aking tunay na katauhan.