"Eksena"
ni Mary Nestlie Denosta
“Tatawagan na lang kita mamaya busy ako,” matipid na sagot naman ng lalaki sa telepono.
“Tatawagan? Talaga ba Vito? ‘yan din sinabi mo last time, naghintay ako pero ni isang text wala man lang galing sayo. Pagod na pagod na akong intindihan ‘yong sitwasyon nating dalawa. Sa tingin ko sinasayang ko lang ‘yong buhay ko sayo.” Halos mapasabunot na lamang ng buhok si Rosie nang hindi man lang ito umimik.
“Ano bang gusto mong mangyari Vito? Nahihirapan na ako.” Garalgal na ang boses nito, nilalabanan ang luhang nagbabadyang lumabas.
“Pasenya na pero…Rosie hindi na kita mahal. Halos ilang buwan ko nang pinag-isipan ‘to. Hindi na ako masaya sa relasyon natin Rosie, hindi na ganoon kasaya kagaya ng dati. Sa tingin ko, panahon na para tapusin to. Maghiwalay na tayo." saad ni Vito sa kabilang linya.
Hindi makapaniwala si Rosie sa mga narinig nito galing kay Vito. Mahal na mahal niya ito, at kahit na nakikipaghiwalay na ito sa kanya, naroon pa rin ang pag-asang babalikan siya ni Vito. Hindi na nito napigilan ang sarili at unti-unti nang nagsipatakan ang kanyang luha.
Noo’y naabutan siya ng kanyang ina, nakakunot ang noo nito, tila sinusukat ng tingin ang mga mata ng dalaga.
“O, anong iniiyak-iyak mo dyan?” tanong ng kanyang ina ngunit hindi ito sumagot. Umiling-iling ang kanyang ina nang mapagtanto kung ano ang nangyari sa anak. Napahugot ng malalim na hininga ang ina nito.
“Sabi ko naman sayo diba itigil mo na yang kahibangan mo, ikaw lang din ang masasaktan. O sya, tayo na sa baba at matapos makapag-tanghalian ay samahan mo akong pumunta sa kaarawan ng Tito Miguel mo, nagluto ako ng pansit para sa kanya.” Medyo iritadong pagkakasabi ng ina nito sa kanya.
“Sige ho nay,” malamyos na tinig ng dalaga. Hinintay niya ang kanyang ina na umalis sa kanyang silid at nagpatuloy sa pinapanood nitong pelikula kanina.
Muli na namang umiyak si Rowena sa pangalawang pagkakataon.
No comments:
Post a Comment