Sana'y panaginip na lang
ni Giselle Baulos
Natunghayan ko kung ano ka gulo ang mundo,
na sana'y sa panaginip ko na lamang nabuo,
na ang inakala kong mga batang masayang naglalaro,
ay lumaking pariwara at sa droga'y nalulong.
Mga dalagita na puno ng kolorete sa mukha,
na kung saan ang alis ay hapon at uwi ay umaga,
sa binatilyong hindi ko alam kung bakit,
may takip sa mukha at may baril na sa bulsa'y nakasabit.
Mga amang ilang bote ng alak ang nauubos,
at walang natirang pera para sa pamilyang naghihikahos,
kaya si ina ay nangangamba,
kung saan kukuha sa ipangtustos sa pamilya.
Sa paglibot ng aking paningin,
ninanais ko na sana'y ito'y isang panaginip lamang,
para sa pagmuklat ng aking mata,
kagandahan ng buhay ang bungad sa akin ng umaga.