Followers

Monday, September 5, 2022

KapFil pinangunahan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2022

KapFil pinangunahan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2022

Isinulat nina Jecel Logronio at Kyla Mae E. Villareal  

Sa pangunguna ng Kapisanan sa Filipino (KapFil) ng Capiz State University - Pontevedra Campus, nagsagawa ng isang birtwal na patimpalak na may paksang “Pamayo sa mga Sugidanon” bilang pakikiisa sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha.  

Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng paghahandog ng unity dance na pinangunahan ng KapFil kung saan ipinakita ang pagkakaisa ng katutubo at kotemporaryong kultura. Buong karangalang ding nakibahagi ang Kolehiyo ng Edukasyon na binubuo ng mga guro at propesor sa pag-aalay at pakikibahagi sa isinagawang sayaw.

Sa kulminasyon ng pagdiriwang, itinampok ng mga mag-aaral ang kanilang mga likha at kaakit-akit na kasuotang nagpapakilala sa mga karakter bilang bahagi ng pagpapahalaga sa epiko ng Rehiyon 6 noong Agosto 31, 2022.

Mula sa mga nakilahok, tatlo sa mga mag-aaral na kumatawan sa iba’t ibang organisasyon ang pinalad na manalo ng una, ikalawa at ikatlong lugar sa “Pamayò sa mga Sugidanon.”  Sila ay kinabibilangan nina: Leoven Ajesta “Humadapnon” ng CapSU Association of Physical Education Students (CAPEDS), Millean Longno “Alunsina o Laonsina” ng Society of Undergraduate Math Students (SUMS) at Aldine Joy Guarino “Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata” ng The Linguists Club.

“Magpakita tayo ng pagmamahal sa ating wika at sa iba pang umiiral na mga katutubong wika lalo pa’t magagamit natin ito sa pananaliksik na siyang tulay sa marami pang likha at gawa. Nais kong ikintal ng kabataan sa kanilang isip at itatak sa kanilang puso na ang ating wika, kultura at panitikan ay siyang instrumento sa pag-angat at pagtatagumpay natin bilang isang bansa. Hindi tayo kailanman dapat magpagapos sa tanikala ng kolonyal na mentalidad bagkus ating pag-alabin ang apoy sa ating mga puso para sa pag-ibig sa ating kinagisnang kultura at para sa bansang Pilipinas,” payo ni Celilla Roane Areno, pangulo ng Kapisanan sa Filipino (KapFil) sa mga kabataan ngayong henerasyon.

Photocourtesy: | Kapisanan sa Filipino- KapFil, Capiz State University Pontevedra [https://­www.facebook.com/­CapSuBailanPontevedra­Campus/videos/­2230406700457584/  ] 

Samantala, sa buong buwan ng Agosto, nagkaroon ng lingguhang facebook posts ng mga salitang katutubo mula sa wikang Hiligaynon na may salin sa wikang Filipino at Ingles ang KapFil bilang karagdagang kaalaman sa mga mag-aaral at iba pang indibidwal na sumusubaybay sa nabanggit na samahan.

No comments:

Post a Comment