ni Millean Longno
Ma’am.
Sir. Ito ang bukambibig natin sa araw-araw
na halos hindi matapos-tapos hanggang sa ating pagtanda. Sina Ma’am at sir na siyang nagbigay ng mga aralin na baon-baon. Sina Ma’am at sir na humubog sa ating mga kakayahan. Sina Ma’am at sir na nagbigay
sa atin ng mga pangaral sa buhay. Sina Ma’am
at sir na naging hagdan tungo sa pag-abot
sa minimithing pangarap.
Ang
salitang 'guro' ay umukit ng kakaibang damdamin sa ating mga puso at tumatak ng
kakaibang antas ng paggalang at paghanga. Sila ang tinuturing na pangalawang
magulang na nagtuturo sa atin na laging piliing tahakin ang tamang landas sa
pamamagitan ng kanilang mga pangaral at paggabay na nagpapaalala sa atin sa
kung ano nga ba talaga ang naaayon at nararapat.
Mula
pagkabata kung saan kababakasan ng kawalang alam at pagiging inosente hanggang
sa kasalukuyan nating kilalagyan kung saan nagkaroon ng muwang sa sitwasyon ng
mundong ginagalawan, ang ating mga guro
ang laging nariyan upang ialay ang sarili at ibahagi ang angking kaalaman sa
bawat isa sa atin. Maraming pagkakataon sa kanilang buhay na hindi na nila
maasikaso ang kanilang sarili matugunan lamang ang mga pangangailangan sa
paaralan at magampanan ang propesyong nakatakda.
Sa
pag-unlad ng isang bansa, tiyak na malaki ang kontribusyon ng bawat guro. Sabi
nga nila, “Teaching is the profession
that creates all other professions.” Sila ang puno’t dulo ng lahat ng taong
nakatungtong sa kani-kanilang sariling propesyon. Paulit-ulit man kung
pakinggan subalit ang katotohanang ito ay mahirap mapasusubalian. Walang doktor
na gumagamot sa atin, walang mga enhenyero na gumagawa ng mga gusali, walang
piloto na magpapalipad ng eroplano, at iba pang trabaho na siyang nagpapalago
sa ekonomiya ng bansa kung walang gurong humulma at humubog sa kanila.
Bilang
pangalawang magulang, ang ating mga guro ang maituturing na susi sa ating mga
pangarap. Magulang man natin ang unang
tumulong sa atin na mamulat sa mundo at nagsusustento sa ating pang-araw-araw
na pangangailangan, ngunit ang ating mga guro ang siyang gumising sa ating natutulog
na kakayahan at nagbukas sa ating kaisipan na siya namang naging sandata sa
pag-abot sa hinahangad na pangarap. Sila ang mga susi sa bawat pintuan ng ating
pansariling kakayahan kung saan nagagawa nating matuklasan at mahubog ang ating
mga potensyal nang malaya, malikhain, at buong-buo.
Sa
pagdiriwang sa natatanging araw ng ating mga guro, nawa ay maipadama natin ang
ating taos-pusong pasasalamat at pagkilala sa lahat ng sakripisyo at pagmamahal
na walang pag-aatubiling iginawad nila sa atin.
Mabuhay
ang lahat ng GURO sa mundo. Hangad namin ang lahat ng pagpapala at biyaya ng
Maykapal ngayon at sa bukas na darating… Mabuhay kayo!
Guhit ni Joshua B. Baquilar |
No comments:
Post a Comment